Pagninilay na bunsod ng BTG webinar 6: Tremulous Speech: Other-ed and Silenced Subjects Talking Back to Philosophy. Sulat sa Filipino bilang pagdiriwang ng Buwan ng Wika.
Pagkakubli
Sabi ni Martin Heidegger, nagpapakita ang nagkukubling umiiral; hiniram niya ang salita mula sa mga sinaunang Griyego upang pangalanan ito: aletheia. Kaya, aniya, kailangang hayaan ang mga umiiral na umiral sa kanilang sariling mga paraan. Gawain ng pilosopo ang pagbigkas sa nagpapakita, hindi ang pagpupumilit sa umiiral na magpakita.
Hindi nalalayo—ngunit hindi magkapareho—ang nakapukaw sa pag-ibig ko sa pamimilosopiya. Sa loob ng isang tahimik na klasrum, tinuro sa akin (at sa aking mga kaibigan at kaklase) ni Roque Ferriols ang abot-tanaw ng sangsinukob: isang larangan ng meron na inaanyayahan ako, kami, tayong lahat, na makiisa sa pagdanas nito at sa pagbigkas nito. Ang pamimilosopiya ay kilos ng tao, kilos ng pagpapakatao, at inaanyayahan tayong maging tapat sa karanasan ng tao at ng pagpapakatao.
Noong una ko itong natutunan bilang magaaral sa pilosopiya, bagong-salta sa unibersidad, parang may isang unibersong binuksan para sa akin, at sinagot ko naman ang paanyayang sumabak sa larangang iyon. Maihahambing ko ito sa una kong pagkatuklas noong bata ako sa mga mundong nakalakip sa mga nobela—sa aking pagkasabik, binasa ko lahat ng librong makita ko sa bahay nang walang pangingilatis. Kahit anong libro, babasahin ko, parang taong nasa disyerto na iinumin ang kahit ano, sa tindi ng uhaw.
Hindi ko alam kung dahil ba masyado pa akong bata, o di kaya masyado pa akong nahumaling sa pamimilosopiya, pero hindi ko man lang napansin—na iisa lamang ang naging guro namin sa pilosopiya na babae; na, sa dami ng kinuha kong kurso sa pilosopiya, iisa lamang ang napag-aralan kong pilosopong babae; na, bukod sa mga ginawa at sinulat ng mga guro ko mismo, ang pinaka-tampok sa lahat ng pag-aaral ko puros mga pilosopong lalaki at kanluranin. Lahat nang iyon nagkukubli, naghihintay na aking pansinin at pangalanan.
Pagkikimkim
Nagsimula ang aking mga agam-agam tungkol sa pamimilosopiya sa loob ng akademiya noong bumalik ako sa pag-aaral matapos ang isang taong pagtatrabaho. Hindi naman sinasadya ng mga naging propesor at katrabaho ko, ngunit pakiramdam ko, hindi ko mahanap kung saan ako lulugar: masyado ba akong bibo, o masyadong walang-imik? May kinalaman ba sa pilosopiya talaga ang gusto kong saliksikin para sa masters thesis ko? Ito ba talaga ang gusto kong gawin (subtext: kasi bakit ba ako naghahanap ng iba pang pagkakakitaan)?
Noong panahong iyon, kinikimkim ko lamang ang lahat ng mga sagot sa mga katanungang ito. Hindi ko muna inisip kung ano ang implikasyon nitong lahat.
Humanap ako ng komunidad na walang kinalaman sa pilosopiya na tumanggap sa akin bilang ako; gumawa ng paraan upang may pagkakitaan ako nang makatulong sa mga bayarin sa bahay at maki-ambag sa mga gastusin ng magulang kong parehong retirado, sa gitna ng krisis ng ekonomiya. Nagsimula ng maliit na negosyo ng pag-bake ng cupcake nang maka-ipon ng kaunting pera. Naging abala sa mga bagay sa labas ng akademya. Inabot ng mahigit limang taon para matapos ang MA.
Matapos ng thesis defense ko, may humirit sa magulang ko nang pabiro: “philosophy is her avocation, baking is her vocation.” Bagaman malinaw sa akin na biro lamang iyon, hindi ko pa rin maiwasang isipin: ang akademiya at pagsasaliksik sa pilosopiya ba ay tunay ngang para sa akin?
Lahat ng mga katanungan at pagdududa sa sarili, nakatago, kinimkim sa kalooban; minsan binabalikan sa katahimikan ng gabi.
Pagbibigkas
Nitong mga nakaraang pitong taon ko lamang nasimulang mabigkas ang mga karanasang ito. Una, unti-unting lumabas ang mga nagkukubling katotohanan nang ako’y naging isang ina ng batang babae. Nasa sinapupunan ko pa lamang siya noong una kong nabatid ang mga haharapin niya sa mundo bilang tao, bilang babae, bilang bata. Hindi ko alam kung ano ang aking mararamdaman sa mga natatanggap na regalo mula sa mga kamag-anak at kaibigan—nagpapasalamat dahil malaking tulong ang mga damit at gamit sa bata, ngunit hindi mapakali sa dami ng mga natanggap naming gamit at mga damit na kulay pink, na may mga disenyo ng mga bulaklak at ballerina—mga disenyong pambabae, sabi ng lipunan at ng kultura.
Naisip ko—hindi ba pwedeng para sa batang babae yung mga disenyo na may hayop? Mga disenyo na iba’t ibang kulay? O di kaya mga disenyo na robot at computer sa kanilang damit? Ngunit kinimkim ko pa rin ito—baka kasi sabihin ng iba, kahit ba naman yung maliit na bagay tulad ng damit ng sanggol, pinagmumuni-munihan mo? Ang “laki” naman ng problema mo; maraming nagugutom sa mundo.
Totoo nga; ngunit dahil rin dito, napapansin ko na rin ang mga mensaheng ipinapabatid ng lipunan—at ng akademya, bilang bahagi ng lipunan—tungkol sa mga babaeng kasapi nito, mga mensaheng dati-rating nakakubli mula sa aking pagtanaw. Kasabay ng paglaki ng aking anak ang paglawak ng aking pagtanaw sa sitwasyon ng mga babae. Kasabay rin nito ang pakiramdam na napakalawak ng pagbabagong kailangang harapin ng akademya (paano pa kaya ang pagbabagong hinahangad para sa lipunan); meron ba akong magagawa bilang isang hamak na ako?
May panahon na pakiramdam ko, hanggang salita lamang ako sa open forum ng unibersidad. Naging suki ako ng mikropono, at laging tinatanong kung may plano ang unibersidad na suportahan ang mga empleyado nitong may mga anak sa pamamagitan ng pagbubukas ng day care. Umabot sa puntong “the day care person” ang pagkilala sa akin ng dating presidente ng unibersidad.
Mas lalong umigting ang pakiramdam na tali ang aking kamay at wala akong magawa nang lumabas ang balita ng mga akusasyon ng sexual misconduct sa unibersidad, laban sa isa sa mga katrabaho ko. Isang dati kong estudyante ang isa sa mga naghain ng reklamo. Nagduda tuloy ako sa aking sarili: paanong nangyari na hindi ko napansin ang mga pangyayari?
Nang gamitin ni Kelly Agra ang mga katagang “epistemic paralysis,” pakiramdam ko, bigla akong nagkaroon ng bokabularyo para bigkasin ang aking mga naging karanasan; mga karanasan ng pagkukubli at pagkikimkim. Nagkaroon ako ng mga salitang magagamit upang ipaliwanag iyong nararamdaman kong pagkukulang at pagkakatali ng kamay—sa aking sarili at sa mga institusyong kinabibilangan ko.
Napaka-halaga, sa aking palagay, na mabigkas at makilala natin bilang mga halimbawa ng epistemic paralysis ang mga karanasang nabanggit ko rito: hindi lamang para tuluyang ilahad sa liwanag ng katotohanan ang mga ito, ngunit para rin usisain kung saan at kanino tayo nagkukulang at kung saan at kanino tayo tinatawag na tumungo, sa loob ng larangan ng akademikong pamimilosopiya sa Pilipinas.
Pamela Joy (PJ) Mariano Capistrano
PhD student, Université de Namur, Belgium
Instructor, Ateneo de Manila University